Nang magsimula ang buhay natin dito sa mundo, binigyan na tayo ng kakayahang magpahayag. Nung sanggol pa tayo, umiiyak tayo para iparating sa ating mga magulang ang gusto nating sabihin. Tinuruan tayo sa paaralan na magsalita, magbasa at magsulat upang lalo nating maipahayag ang ating sarili sa iba pang taong ating nakakasama. At habang tumatanda tayo, mas lumalawak ang mundong ating ginagalawan. Mas malawak tuloy ang nagiging saklaw ng ating pagpapahayag.
Sa isang lipunang lugmok sa iba’t ibang uri ng suliranin at pagkadusta, likas sa mga mamamayan nito na ipahayag ang kanyang mga hinaing sa pamahalaang namamalakad nito. Kabilang dito ang ating mga mamamahayag. Araw-gabi silang kumakalap ng impormasyon ukol sa mga usaping may kinalaman ang bayan. Walang takot nilang sinusuong ang mga nakaambang panganib makuha lamang ang katotohanang dapat malaman ng mamamayan.
Daluyong sa Pamamahayag
Bagama’t dakila ang gawain ng mga mamamahayag, ang buhay nila’y hindi ligtas lalo na sa isang lipunan kung saan ang baluktot ay nagiging tuwid at ang kasinungalingan ay lumalaganap. Sila’y walang awang pinapaslang. Ang iba’y bigla na lang nawawala at hindi na natatagpuan. Patuloy na sinisikil ang kanilang kalayaang magpahayag.
Ayon sa tala ng Committee to Protect Journalists (CPJ), 72 Pilipinong mamamahayag ang pinaslang mula taong 1992. Ilan sa kanila’y hindi pa nabibigyan ng katarungan ang pagkamatay. Kabilang sa bilang na ito ang kahindik-hindik na pagpatay sa 33 mamamahayag sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Kapag nagpatuloy ang ganitong klase ng katiwalian, maaaring lumobo pa ang bilang at dumagdag pa sa nakakabahalang estadistika ng CPJ.
Kasalanan Ba?
Ang kalayaan sa pagpapahayag ay isang kalayaang dapat ay tinatamasa ng lahat at hindi ng iilan lamang. Kasalanan bang isiwalat ang sa tingin mo’y dapat nang baguhin lalo na’t kung kapakanan ng taong bayan ang nakasalalay? Kasalanan bang ihatid sa bayan ang dapat nilang malaman? Kasalanan bang magsabi ng katotohanan? Mahirap sagutin ang ganitong katanungan lalo na kung ang lipunan ay bulag at pipi sa ganitong mga usapin.
Ipaglaban ang Kalayaan
Sinasabing malaya ang Pilipinas sapagkat ito’y may pamahalaang hindi hinahawakan ng ibang bansa. Ngunit kung ating lilimiin ang kasalukuyang nangyayari sa ating mga mamamahayag, hindi pa lubos malaya ang ating bansa. Malaya lamang ang isang bansa kung ang mga tao nito’y malayang naipapahayag ang kanilang saloobin sa kinauukulan. Hindi magdadalawang-isip ang mga mamamayan nito na itama ang nakikita nilang mali.
Ang pagsusulong ng kalayaan sa pamamahayag hindi laban ng mga mamamahayag lamang. Ito ay laban nating lahat. Huwag nating hayaang lukubin tayo sa kadiliman, kasinungalingan at katiwalian. Tulungan natin ang mga mamamahayag sa paghahanap ng katotohanan. Isagawa ang karapatang ating tinatamasa. At kapag nagawa natin ito, wala na muling mamamatay dahil sa katotohanan. Mabubuhay tayo ng matiwasay at may kapayapaan na tulad noong tayo’y unang sinilayan ng buhay ng Poong Maykapal. Yakapin natin ito at ating ipaglaban!
Pinagkunan:
Larawan 1: http://www.travelblog.org/Photos/3429317


